[News] GMA Network talents cry foul over alleged labor malpractice; stands by regularization complaint vs GMA

Reposted from PEP.ph


GMA Network talents cry foul over alleged labor malpractice; stands by regularization complaint vs GMA

by Rachelle Siazon posted on November 20, 2014
“When you are faced with the danger na mawalan ng kabuhayan, sino naman ang hindi panghihinaan ng loob? Pero ‘pag tinitingnan namin yung sitwasyon, ang choice lang ay i-tolerate yung ganitong kalakaran o pursue the case," says Chloe Garcera-Ben (right), one of the members of TAG who filed a regularization complaint against GMA Network. Christian Cabaluna (left) leads Talents Association of GMA (TAG), the group pursuing the complaint against the Kapuso network. Photo: Borrowed from Christian Cabaluna's Facebook / Buhay Media Facebook
“When you are faced with the danger na mawalan ng kabuhayan, sino naman ang hindi panghihinaan ng loob? Pero ‘pag tinitingnan namin yung sitwasyon, ang choice lang ay i-tolerate yung ganitong kalakaran o pursue the case,” says Chloe Garcera-Ben (right), one of the members of TAG who filed a regularization complaint against GMA Network. Christian Cabaluna (left) leads Talents Association of GMA (TAG), the group pursuing the complaint against the Kapuso network. Photo: Borrowed from Christian Cabaluna’s Facebook / Buhay Media Facebook

“Napaka-ironic kasi considered watchdog ang media pero hindi namin mabantayan ang sarili naming karapatan.”

Ito ang pahayag ni Chloe Garcera-Ben, dating Sumbungan Ng Bayan (SNB) head at isa sa mahigit isandaang empleyado ng GMA Network na naghain ng reklamo kaugnay ng diumano’y labor malpractice ng naturang TV network. Pormal na isinampa ng grupo ng complainants ang kanilang reklamo sa National Labor Relations Commission (NLRC), noong Mayo.

Kasunod nito ay nabuo ang grupong Talents Association of GMA (TAG), na naglalayong humingi ng regularization at karampatang benepisyo, bilang empleyado ng GMA Network na tumagal mula anim na buwan hanggang 15 taon.

 

LACK OF BENEFITS. Hiwalay na nakapanayam ng PEP.ph (Philippine Entertainment Portal) sina Chloe at Christian Cabaluna sa pamamagitan ng pagtawag sa telepono ngayong araw, November 20.

Si Christian, na tumatayong associate producer ng Imbestigador, ang itinalagang presidente ng TAG at isa sa pangunahing complainant ng regularization complaint laban sa GMA. Ipinaliwanag ni Christian na bagama’t siyam na taon na siyang naninilbihan sa GMA, ang kontrata niya bilang “talent” o non-regular employee ay per renewal basis.

“Talent” din ang employment status ni Chloe na nanilbihan sa SNB sa loob ng mahigit 12 taon. Kailanman ay hindi umano sila nakatanggap ng anumang benepisyo katulad ng SSS, PAG-IBIG, at Philhealth.

“Considering sa Imbestigador ako nagtatrabaho, ang trabaho naming nagse-surveillance ng mga pulis na nagdodroga. Ganyan kabigat ang trabaho namin pero wala kaming hazard pay. Ang problema pa, sa daily grind namin kapag nagkasakit ka at hindi ka nakapasok, no work no pay. So, imagine mo kapag nagkasakit kami, wala na kaming pang-ospital, wala pa kaming suweldo,” saad ni Christian.

Sa kabila nito ay patuloy raw nilang ginagampanan ang kanilang trabaho.

 

THE LAST STRAW. Ngunit naging mitsa ng kanilang pag-aalsa ang insidente kung saan diumano’y tinawag silang “tax evaders” sa isang general assembly ng mga talents ng News and Public Affairs, na pinamunuan ng ‘di pinangalanang finance officer ng GMA. Dito ay sapilitan umano silang pinagsusumite ng official receipts bukod sa kanilang annual individual filing of tax returns. Nire-require din silang magbayad ng karagdagang three percent tax per quarter bilang “service providers,” katulad ng mga nagpaparenta ng camera at iba pang outside suppliers ng TV network.

Paliwanag ni Christian ukol dito, “Parang gusto nila sabihin nagpaparenta kami ng talent [na] magsulat at mag-shoot. Ang sabi namin, hindi kami katulad ng service provider. Hindi kami katulad ng mga artista na may sari-sariling agency. Kaya nagtanong kami, ‘Bakit niyo kami tinatawag na ganyan? Empleyado kami.’”

Sabi pa raw ng ‘di pinangalanang finance officer sa isinagawang general assembly ng talents, “Kapag hindi kayo nagpasa ng resibo, tatanggalin namin kayo sa GMA Network.”

Dito umano nagsimulang kuwestiyunin ng talents, na katulad nina Christian at Chloe, ang kanilang estado bilang “second-class citizens” sa GMA.

Lahad pa ni Christian base sa kanyang personal na karanasan, “Nung pumunta ako sa clinic, masakit ang dibdib ko, ang [unang] tanong sa akin ng doktor, hindi kung ano’ng nararamdaman ko, ang tanong niya sa akin, ‘Regular ka ba o talent?’”

Naglabasan din ang hinaing ng ibang talents na maging sa mga simpleng okasyon, katulad ng Christmas parties, ay nakakaramdam diumano sila ng diskriminasyon. Mula sa hiwalay na tambyolo para sa regular employees at talents sa mga isinasagawang Christmas raffles, hanggang sa pagtanggal ng non-regular playing teams sa inter-division basketball games—lahat ito ay nagpatung-patong na.

Sa parte ni Chloe, itinuturing niyang “turning point” ang insidente kung saan naaksidente at naospital ng tatlong linggo ang isa sa kanyang team member sa SNB. Bukod sa kawalan ng health benefits, wala umanong sinahod ang kanyang team member dahil sa “no work no pay” policy ng kumpanya. Nabaon umano sa utang ang naaksidenteng talent ng SNB dahil umabot sa P300,000 ang hospital bill nito. Kinailangan pa umano nilang “magpatak-patak” upang makatulong sa pambayad ng kanilang katrabaho.

“Tapos yung realization na sumbungan kami ng bayan, pero kami na mga staff, kapag meron kaming problema, saan kami magsusumbong?” pahayag ni Chloe.

 

“UNACCEPTABLE” TERMS OF NEW CONTRACT? Sa pagpapatuloy ng panayam ng PEP kay Christian, ibinahagi nitong nagkaroon ng mediation sa pagitan ng mga talent at ng GMA pagkatapos maihain ang regularization complaint sa NLRC. Dito ay napagkasunduang gagawa ng panibagong kontrata ang GMA kung saan naglalayong mabigyan ng regularization at karampatang benepisyo ang mga miyembro ng TAG. Pagkatapos ng limang buwan ay nabuo ang Project Employment Contract [PEC] bilang sagot sa hinaing ng grupo. Ngunit iba diumano sa inaasahan ng TAG ang nilalaman ng kontrata.

Sabi ni Christian, “Parang ‘di katanggap-tanggap ang employment contract na ito. Bakit? Yung project employment contract, yung benefits—PAG-IBIG, SSS, Philhealth—lahat iyon, ibabawas sa amin [kahati ng network].”

Maging ang konsepto ng 13th month pay sa ilalim ng PEC ay kuwestiyonable, ayon sa presidente ng TAG.

“Ang gagawin daw nila sa 13th month pay, idadagdag [sa suweldo] kada buwan. Sabi namin, ‘Uy, maganda ‘yan may dagdag na suweldo kada buwan. Makukuha ba namin nang cash?’ Sabi nila, ‘Hindi. Kasi, ‘di ba, may tax kayo? Ang gagawin dun, ibabawas, magiging tax exemption.’ Anong klaseng 13th month pay ‘yan? Tiningnan ko sa Labor Code, wala siya dun,” giit ni Christian.

Kinuwestiyon din ng TAG ang probisyon sa PEC kung saan tanging ang mga executive producer [EP] lamang ang mabibigyan ng karagdagang health card at apat na beses kada taon na rice incentive.

Sabi ni Christian, “EP lang ba ang may kailangan ng bigas at kailangan ng Medicard? So, dun pa lang, parang double standard [at] discriminatory yung nature ng kontrata.”

Ilan pang nakapaloob na terms sa PEC ay ang exclusivity clause kung saan hindi maaaring magkaroon ng “raket” o karagdagang trabaho ang isang talent kung hindi rin lang sa GMA. Bukod dito ay tatlong buwang hindi maaaring magtrabaho sa direct competitor ang isang talent sa oras na matapos ang kontrata nito. Lumalabas din umano na halos wala itong ipinagkaiba sa dati nilang kontrata bilang talent, dahil isang taon lang ang duration ng PEC hanggang sa i-renew itong muli ng kumpanya.

Sabi ni Christian ukol dito, “Pagod na kami na wala kaming benepisyo. Pagod na kami sa mga boss na double standards. Pagod na kami dahil paulit-ulit na ‘to. Ang tagal-tagal na naming nagtatrabaho pero wala pa rin kaming nakukuhang anything sa network.”

 

THE FIGHT GOES ON. Ngunit dahil patuloy na inaalmahan ng TAG ang naturang kontrata, nagdesisyon umano ang GMA na i-require ang lahat ng talent ng TV network na sumailalim sa Project Employment Contract. Maging ang talents na mayroon pang kontrata hanggang sa 2015 ay kailangang pirmahan ang PEC, kung hindi ay mawawalan sila ng trabaho sa katapusan ng taon. Isa na rito si Chloe na hindi pumayag na pirmahan ang kanyang PEC nang mag-expire ang kanyang contract noong Oktubre.

Ani Chloe, “My contract already expired last October 31. Hindi na nila ni-renew yung contract ko. Effect ito ng hindi ko pag-sign sa PEC.”

Si Christian naman ay mayroon pang kontrata hanggang March 2015. Ngunit tila nanganganib din siyang mawalan ng trabaho kung hindi siya pipirma sa bagong kontrata.

“Ang sabi nila, ang hindi pipirma sa PEC, hanggang December na lang. Ibig sabihin, come November 30, mag-i-issue ang GMA ng pre-termination. Lahat ng kontrata beyond 2013, ipi-pre-terminate. Dahil hindi kami pipirma, bibigyan nila kami ng 30-day notice na matatanggal ka na,” paliwanag ni Christian hinggil sa kundisyon ng TV network.

Aminado sina Christian at Chloe na may ilan sa kanila ang pinanghinaan ng loob at tuluyang umalis sa kanilang grupo. Mula sa 147 na miyembro ng TAG ay 125 ang patuloy na sumusulong sa kanilang adhikain. Ngunit sa kabila ng walang kasiguraduhan nilang hinaharap, hindi raw sila susuko.

Sabi pa ni Chloe hinggil dito, “When you are faced with the danger na mawalan ng kabuhayan, sino naman ang hindi panghihinaan ng loob? Pero ‘pag tinitingnan namin yung sitwasyon, ang choice lang ay i-tolerate yung ganitong kalakaran o pursue the case. And hopefully, yung batas natin, meron tayong labor law na clearly considered regular employee kami taking into consideration the nature of our work.”

Nais din umano nilang mabuksan ang isip ng publiko hinggil sa sitwasyon ng media practitioners, lalo pa’t maging sa ibang TV networks ay dumadanas din ng labor malpractice ang talent-employees.

“In fact, sa Buhay Media Facebook page [ng TAG], yung mga comments dun, hindi lang members ng TAG. May ilan na tiga-TV5, Channel 2, at GMA. I think ito talaga yung practice sa industry. Kaya hindi lang ito para sa amin, para ito sa buong industriya. Na sana ma-open yung mind ng public at mga ahensiya na concerned to look into the problem.”

Karamihan sa complainants ng regularization complaint laban sa GMA ay binubuo ng executive producers, associate producers, segment producers, program researchers, at production assistants.

Napag-alaman din ng PEP na sila ay bahagi ng mga sumusunod na public affairs programs sa GMA: Imbestigador, Kapuso Mo Jessica Soho, Reporter’s Notebook, AHA, Reeltime, I Juander, Wagas, Brigada, Tonight with Arnold Calvio, Tunay Na Buhay, SONA, News To Go, QRT, Balita Pilipinas Ngayon, Motorcycle Diaries, Power House, Sumbungan Ng Bayan, Unang Hirit, Front Row, Good News, Pop Talk, at Born To Be Wild.

Ngayong araw, November 20, hiningan ng PEP ang GMA ng official statement hinggil sa regularization complaint ng mga sangkot na talent-employees ng TV network. Ngunit ayon kay Angel Javier-Cruz, GMA Vice-President for Corporate Communications, wala pang opisyal na pahayag ang network sa ngayon.

Tatlong beses din naming kinontak ang legal counsel ng GMA na si Atty. Regino Moreno ng Belo Gozon Elma Parel Asuncion and Lucila law office. Ngunit ayon sa aming nakausap sa kanilang tanggapan ay wala sa opisina ang abugado. Nananatiling bukas ang PEP sa anumang pahayag ng GMA at iba pang sangkot sa reklamo.

#

View the original post here: http://www.pep.ph/news/45671/gma-network-talents-cry-foul-over-alleged-labor-malpractice-stands-by-regularization-complaint-versus-gma/

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s