[Opinion] Buhay media: Ang laban ng mga manggagawa ng GMA Network, Inc.

Reposted from Philippine Collegian


Buhay media: Ang laban ng mga manggagawa ng GMA Network, Inc.

(Unang nalimbag ang akdang ito sa isyu 8 ng Philippine Collegian noong 12 Pebrero 2015.)

Ni J.C.C

Marahil ay maituturing na “dream job” ang maging isang miyembro ng media―maging bahagi ng grupong bumubuo ng isang palabas, kumakayod sa likod ng kamera at nakakasalamuha ang mga malalaking personalidad sa telebisyon.

Subalit para kay Dennis Lasala, production coordinator ng programang “IJuander” ng GMA NewsTV, isang malaking kabalintunaan ang “glitz and glamour” ng pagtatrabaho sa GMA Network Inc. (GMA). Sa kabila ng 15 taon niyang pagkayod sa istasyon, tila hindi siya naging bahagi ng bawat tagumpay nito dahil hindi pa rin siya ‘regular’ na manggagawang tumatanggap ng mga benepisyo.

Kabilang si Dennis sa mahigit isang daang kontraktwal na manggagawa ng GMA na nagsampa ng kaso laban sa kumpanya. Panawagan nilang gawing regular ang mga manggagawang nakapagtrabaho na sa istasyon nang mahigit anim na buwan. Subalit kapalit ng kanilang pagkilos, nanganganib siyang mawalan ng trabaho nang tuluyan.

‘Tunay na buhay’

Kalakhan ng bumubuo sa mga programa ng isang television network ay tinatawag na “talent,”katulad ni Dennis. Kabilang dito ang mga production coordinator, program researcher, video researcher, editor, news writer, at producers.

Ang mga program researcher, halimbawa, ang naghahanap ng mga kwento na ipalalabas sa isang programa. Talent naman ang gumagawa ng mga balita at dokumentaryo. Bahagi rin ng kanilang trabaho ang tawirin ang mga isla o umakyat ng bundok upang kapanayamin ang mga tao sa harap ng kamera. Sa kakarampot na badyet, kaya nilang makagawa ng mga palabas na kinikilala sa buong mundo. Bawat episode ng isang palabas ay katumbas ng ilang gabing walang tulog ng mga talent―sila ang pangunahing nagpapagana ng produksyon ng isang TV network tulad ng GMA.

Subalit kahit mahalaga ang papel ng mga talent, nananatili pa rin silang kontraktwal na mga manggagawa na hindi tumatanggap ng benepisyo. Tila ba hindi sila kasama sa bawat tagumpay ng istasyon, ani Dennis. “Todo kayod ako [ngayon] para makaipon lalo pa’t wala naman kaming benefits at wala ring 13th month pay,” dagdag niya.

Kahit na delikado ang mga pinupuntahang lugar ng mga talent para sa kanilang trabaho, wala silang hazard pay. Kahit na maaari silang magkasakit dahil sa pagpupuyat at nakakapagod na shooting, wala silang health card at PhilHealth. Wala rin silang SSS at PAG-IBIG. Walang night differential pay, holiday pay, leave with pay, maternal leave, at iba pang mga benepisyo ng isang regular na manggagawa.

Ayon sa Finance Division ng GMA Network, walang benepisyo ang mga ‘talent’ dahil sila’y mga “independent service providers” at hindi umano empleyado ng kumpanya. Dahil sa kawalan ng pagkilala ng GMA sa mga ‘talent’ bilang mga regular na empleyado, nagsampa ang mga kontraktwal ng regularization case laban sa GMA. Ngunit sa pagtatapos ng 2014, umabot sa 52 manggagawa na  nagsampa ng kaso ang hindi na ni-renew ang kontrata at hindi na muling pinagtrabaho sa GMA.

‘Serbisyong totoo’

Mahirap man daw sampahan ng kaso ang kumpanyang napamahal na sa kanya, kailangan daw itong gawin ni Dennis para sa kinabukasan ng kanyang pamilya.

“Bago ako nag-desisyon na [sumabak sa laban], nagdasal ako. Inisip ko, paano kapag nagkasakit ako? Paano kapag nagkasakit ang pamilya ko? Wala man lang akong insurance para sa kanila. Baka maubos lahat nang inipon ko,” ani Dennis.

Gayundin ang sitwasyon ni Igal San Andres, segment producer ng programang “State of the Nation with Jessica Soho“. Bagaman isang GMA Network Awardee noong kolehiyo, nagsampa rin siya ng kaso laban sa kumpanya.

“Pumirma ako kasi kailangan natin ng pagbabago sa sistema. Halos araw-araw nating ibinabalita ang mga maling paraan ng pagtrato sa mga empleyado, pero ang mga nangyayari sa sarili nating bakod hindi nailalabas sa publiko. Kung mga malalaking pulitiko at negosyante nga binabantaan at iniimbestigahan namin, paano pa kaya ang sitwasyon sa mismong kumpanya namin?” ani Igal.

Ayon sa Labor Code of the Philippines, may apat na kondisyon para masabing mayroong “employer-employee relationship” ang isang kumpanya at ang isang empleyado. Kapag napatunayan ang mga ito, dapat na gawing regular ang mga empleyadong nagsampa ng kaso. Kabilang dito ang kapangyarihang tumanggap at magtanggal ng mga manggagawa, at kapangyarihang magpa-sahod.

Ang pang-apat at ang pinakamahalagang kondisyon ay ang pagkakaroon ng kontrol ng isang kumpanya sa trabaho ng isang manggagawa. Sa kaso ng mga talent, nagkakaroon sila ng evaluation at tumatanggap ng memorandum kapag may mali o aberya sa kanilang trabaho. Samakatuwid, naiimpluwensyahan ng GMA ang kanilang mga kinikilos sa loob ng kumpanya.

Kung gayon, ganap na mga empleyado ang mga sinasabing “talent” ng GMA. Gayunman, hindi sila nakatatanggap ng mga benepisyo na para sa mga regular na manggagawa at laging may banta na mawalan sila ng trabaho.

“Kapag laging mababa ang ratings ng palabas na kinabibilangan namin, pwede kaming matanggal sa trabaho kasabay nang pagka-dissolve ng programa,” ani Dennis.

’Walang pinoprotektahan’

“We are not asking for anything more than what is due to us — just basic benefits of employees as mandated by the law,” ani Edmalyne Remillano, kalihim ng Talents Association of GMA Network Inc. (TAG), ang samahang itinatag ng mga nagsampa ng kaso laban sa GMA.

Sa kasalukuyan, nasa National Labor Relations Commission na ang kaso at umaasa ang mga manggagawa ng GMA na mananaig ang katotohanan, at magwawagi sila sa kanilang laban.

“Masakit kasi 15 years na akong kumakayod sa likod ng kamera, pero kahit anong sakripisyo ko, parang ‘di ako pinapahalagahan, parang ‘di ako, kami, kasama sa tagumpay ng GMA. Naramdaman kong hindi pala ako [bahagi] ng kumpanya,” ani Dennis.

Hindi lamang sa GMA Network Inc. umiiral ang “talent system” na ito. Maging sa ibang istasyon ng telebisyon, “talent” o kontraktwal din ang tawag sa mga tao sa likod ng kamera. Bahagi umano ito ng pagtitipid ng mga malalaking kumpanya. Sa pagtitipid na ito, nadadamay ang mga manggagawang lumilikha ng yaman ng mga kumpanyang ito.

Bagaman malaking kumpanya ang kalaban ng mga miyembro ng TAG, hindi sila nangingiming ituloy ang kaso. “Behind the glitz and glamour of the TV industry are the faces and stories of real people. The struggle goes on but we will endure. We are a hundred and strong,” ani Remillano.

#

View the original article here: http://www.philippinecollegian.org/?p=9543

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s