[Facebook Post] OPEN MINDED KA BA? Isang Bukas na Liham kay Ginoong Felipe L. Gozon, Chairman at CEO ng GMA Network

Reposted with permission from a Facebook post of Mr. Jayson Bernard Santos, one of the executive producers of award-winning and critically-acclaimed GMA News TV program “Reel Time”. 

DISCLAIMER: Buhay Media is maintained by the Talents Association of GMA Network (TAG), but the stories published here do not necessarily reflect the views and experiences of all TAG members or the media industry as a whole.

OPEN MINDED KA BA?

Isang Bukas na Liham kay Ginoong Felipe L. Gozon, Chairman at CEO ng GMA Network

Jayson Bernard Santos with FLGMagandang araw po, Ginoong Gozon.

Nakatitiyak po akong hindi ninyo ako kilala, marahil dahil abala kayo sa mga pulong at gawain para mapagbuti ang lagay at mapalago ang kita ng ating kumpanya (i.e. isa po ako sa mga bumili noon ng stocks ng GMA, pero hindi kailanman nakatanggap ng dibidendo, siguro’y naipapadala kasi sa dati kong address? Pero dahil sa mga pangyayari nitong mga nakaraang araw, iniisip ko nang ibenta ang maliit kong share para maidagdag sa pantustos. Nabili ko iyon nang 8.50 kada share, pero naglalaro na lang yata sa 6.00-7.00 pesos ang halaga nito. Sana tumaas pa. Wish ko lang.)

Hindi ninyo rin ako marahil kilala dahil isa lamang naman ako sa daan-daan nating prodyuser at manunulat sa network na nagtatrabaho na sa matagal na panahon. Sa kaso ko po sir, siyam na taon na akong Kapuso. Aaminin kong mangilan-ngilang offer na rin ang tinanggihan, muntik nang tinanggap, at natanggap para lang lumabas sa bakuran ng Timog Avenue. Pero mas pinili ko pa rin ang network na humubog sa talento at karunungan ko sa paggawa ng mga maipagmamalaki kong proyekto sa telebisyon. At malaki po ang pagpapasalamat ko sa bagay na iyon.

Inattach ko sir ang latest picture kung saan ko kayo nakamayan at nakasama sa iisang venue. Ito iyong tinanggap namin ang award para sa dokumentaryong isinulat at pinrodyus namin ng mga kasama ko sa Reel Time noong nakaraang taon. Sa totoo lang sir, may sense of pride din akong nararamdaman kapag kasama namin kayong tumatanggap ng mga parangal, tapos kinakamayan mo kami isa-isa. Chance encounter lang kasi kung magkita tayo. Kung minsan nagkikita tayo sa lobby habang hinihintay naming bumalik sa ground floor ang elevator galing sa outer space, sa Christmas party ng mga empleyado kung saan ikaw lang naman talaga ang inaabangang magsalita ng mga taong mahilig magexpect na hindi lang hamon at keso de bola ang handa nila sa Noche Buena, at tuwing Family Day kung saan parehong matimbang ang wizard money at midyear bonus ng mga empleyado. Kung bibilangin, siguro mga less than 10 times pa lang tayo nagkikita sa personal. Hindi naman po kasi ako kailanman naging FC (‘feeling close’). Wala naman po akong pinariringgang iba.

2006 po nang magpadala ako ng resume sa email ng isang bossing sa GMA. Ilang linggo lang ang nakalipas, tinanggap ako at pinagsubmit ng mga requirement para makapagumpisa nang magtrabaho bilang researcher sa isang daily magazine show. Nagpakitang gilas kaagad ako noon, desididong patunayan ang sarili sa isang hindi pamilyar na mundo. May mga araw na hindi na ako umuuwi noon at kahit anino hindi na nakikita ng sarili kong pamilya. Daig ko pa nga raw ang mga OFW. Kahit kasi text hindi ko magawa, wala kasing pangbili ng load dahil madalas akong magabono sa mga shoot at kakarampot lang din naman ang natatanggap na suweldo. Naging prodyuser ako at hindi nagbago ang sitwasyon sa trabaho. Mas maraming oras ang iginugol sa loob at labas ng opisina, mas malaking halaga na ng pera ang inaabono, at kahit lumaki na ang load allowance, hindi naman magawang palitan o maipagawa ang sirang lumang cellphone dahil kulang pa sa pambayad ng bills ang tinatanggap naming sahod. Nagrereklamo kami paminsan-minsan, pero sa loob ng mahabang panahon, tinanggap namin iyon dahil mahal po namin ang trabahong minahal din naman kami pabalik.

Alam mo sir, kung sasama ka lang sa shoot naming mga prodyuser, mapagtatanto mong walang katumbas na saya at ngiti ang makakilala ng sari-saring tao na iba’t iba ang pagkatao. Malaking tungkulin ang nakaatang sa bawat isa sa amin, pero gumagaan ito kapag naririnig na namin ang kuwento nila, nakikita na namin ang pagbabago sa buhay, at nararamdaman ang pag-asa na puwedeng maging bunga ng ilang araw na pagpupuyat, daang libong pisong abono, at pagtitiis sa hirap ng buhay naming nasa likod ng kamera.

Kaya malaki ang nararamdaman naming pagkadismaya sa tuwing hindi namin nagagawang maganda ang istorya, hindi napapanood ng mas marami (e.g. mababa ang ratings) at hindi namin nababago ang buhay ng ibang tao. Dahil para sa marami ninyong mga empleyado tulad ko, higit pa sa pera ang trabahong ito. At mahal na mahal namin ang ginagawa namin. Tuwing lumalabas kami, bitbit namin ang pangalan ng kumpanya. Kakabit ng mga pangarap namin at pangarap para sa ibang tao ang GMA.

Kasama ninyo po kaming nagalit nang paratangan tayo na gumagamit ng maruming taktika para mapataas ang ratings ng mga programa. Nakiisa rin po kami sa paghikayat sa mga loyal nating mga tagapanood na ireklamo ang cable company na tila nananabotahe raw sa signal ng network sa iba’t ibang lugar. Ipinagtanggol namin ang ‘hologram effect’ noong coverage natin ng Eleksyon 2010. Nakisaya po kami sa pagiging Number 1 network natin. Pinupromote din namin ang mga show natin sa social media hanggang magtrend worldwide! At napapataas din naman ang noo namin tuwing ibinabalita sa mga newscast at nababasa sa diyaryo na tumataas ng bilyong piso ang kita ng kumpanya. Pero aaminin ko rin naman na sana nababahaginan din naman kami ng kita, lalo pa’t ilang taon na pong hindi nagbabago ang suweldo ng ilan sa mga staff ng mga programa. Halos isang dekada na nga po akong ‘proud to be Kapuso’.

Pero nitong nakaraang taon, nagsampa po kami ng pormal na reklamo laban sa inyo at sa pamunuan ng network. Marami po ang nagsulputang mga alingasngas, tsismis, maling akala tungkol sa totoo naming layunin. Pasintabi lang po sa gagamitin kong salita, pero marami rin po ang ‘nakisawsaw’ sa isyu nang hindi lubos na nauunawaan o nababasa ang nilalaman ng aming reklamo.

Ako po, kasama ng ilang kasapi ng samahang binuo namin, ay nananawagan na kilalanin ang mahabang panahong pagmamahal namin sa GMA. Nananawagan na kilalaning pantay ang bawat taong may kontribusyon sa pagpapalago, pagpapakilala at pagpapabuti ng kumpanya. Nananawagan sa pananatili sa kumpanya nang may benepisyo katulad ng ibang empleyado. Hindi po kami nakikipag-away at hindi rin nais gumawa lamang ng gulo. Dahil simula’t sapul, wala po kaming ipinagkaiba sa mga kinikilala lamang ninyong empleyado – nagtatrabaho nang malinis at tapat, sumusuweldo batay sa inilaang badyet ng network, at pinangalagaan ang pangalan ng kumpanya. Hindi na po ako magbabanggit ng mga pangalan, pero marami nga po sa mga dating empleyado ang napaalis na (o nananatili pa rin?) dahil sa pagwawaldas ng pondo ng kumpanya, paggamit sa pangalan ng network, at kung ano-ano pang kalokohang puwedeng materyal sa Imbestigador. Itago na lang po natin sila sa pangalang ‘da who’.

Marami po sa amin ang nagbigay rin naman ng mga karangalan sa kumpanya natin, sir. Wala man po kaming natanggap na dagdag na insentibo, maliban sa ilang piraso ng pizza o bilao ng pansit na galing mismo sa bulsa ng mga manager namin, malaking bagay po na naipadadala rin ang tulad ko sa ibang bansa para tumanggap ng mga pagkilala sa mga ginagawa nating ‘obra’. Ibang sense of pride, dahil naitaas ng GMA ang sagisag ng tatak Filipino. Sinasabi ko ang bagay na ito sir, dahil patunay lamang ito na kahit may nakasampang kaso sa labor court, makaaasa kayong hindi magbabago ang kalidad ng mga programang ineere namin araw-araw o linggo-linggo. Sa kabila ng mga kinakaharap na pagsubok ng ating kumpanya, desidido kaming lumaban sa pagpapabuti ng ating ratings. Pero sir, sana maibigay rin ang suweldong nararapat lang para sa amin.

Kamakailan, marami sa mga kasama ko ang hindi pa rin nakatatanggap ng suweldong pinagtrabahuhan na nila nang mahabang panahon. Isang pangyayari na naiwasan sana kung napag-usapan ang implementasyon ng polisiya na hindi ngayon pinagkakasunduan ng dalawang panig. Tinangka na po itong remedyuhan pero hanggang ngayon, wala pa rin kasiguruhan kung kailan nila makukuha ang sahod na dapat sana napakikinabangan na ng mga anak o kapatid na papasok ngayong Hunyo sa eskuwela, o kaya nama’y ng mga pamilyang walang makain sa kanilang mesa.

Masakit po sa kalooban na makita ang mga kasama ko, at ang iba pang empleyado na nahihirapan sa kasalukuyang sitwasyon. Kung tutuusin, hindi po kami ang nagpaningas ng apoy na kumakalat ngayon sa buong industriya ng midya sa bansa. Kinukuwestiyon po namin ang sistema. Sistemang kaya nating pagtagumpayan na baguhin. Para po sa inyong kaalaman, ang mga tulad ko po ay minsan nang naparatangang ‘tax evader’ ng isa sa inyong mga tauhan sa network. Pero hindi kami tumigil sa pagseserbisyo sa kumpanya. Walang natanggap na bonus noong nakaraang Pasko ang mga nagsampa ng reklamo sa National Labor Relations Commission o NLRC, pero hindi kami tumigil sa paggawa ng mga programa. Ilang miyembro ng Talents Association of GMA Network (TAG) ang hindi na muling pinapirma ng kontrata o piniling bumalik sa kumpanya, pero marami rin naman ang bumalik sa kumpanya dahil sa rasong ‘mahal nila ang programa’. Marami po kaming nababasang pasaring o patutsada sa totoo naming layunin, ang iba pa nga’y nanggagaling sa mga taong hindi namin inaakalang magagawa iyon sa amin, pero ang trabahong ito pa rin ang prayoridad sa buhay. Sabi nga noon ng isa naming propesor sa Economics, “Treat your employees as an investment, not a cost.”

Panahon na sir, para malaman ninyong may mga empleyado kayong matagal na taon nang hindi isinaalang-alang ang sariling kapakanan. Pero hindi po ba’t ang lahat ay may hangganan?

Paano tayo magkakaroon ng mga susunod pang dekalidad na proyekto at programa sa network, kung mananatiling nabubuhay sa kawalang kasiguruhan ang mga kabataang nangangarap pasukin ang mundo ng telebisyon? Paano kami matatahimik kung iiwan namin ang industriyang ito sa mga taong hangad lang ay kumita? Paano magiging handa ang mga bagong salinlahi ng mga manggagawa sa telebisyon, kung hindi nila alam kung paano manindigan para sa sarili at kalauna’y sa ibang tao?

Balita ko sir, mahilig ka raw manood ng mga pelikula. Kaya hihiramin ko ang linya ni Sharon Cuneta sa pelikulang ‘Caregiver’, “I don’t deserve to be treated like this. I care about my job, sir. I care about you.”

Marami pong salamat.

Jayson Bernard Santos

#

If you wish to share your own #BuhayMedia story or want to speak up as one of the #HumansOfMedia, just send us an email at buhaymediaph@gmail.com.

Follow us on Twitter/Instagram (@buhaymedia) and like our Facebook page (facebook.com/buhaymedia) to show your support.

Advertisements

One thought on “[Facebook Post] OPEN MINDED KA BA? Isang Bukas na Liham kay Ginoong Felipe L. Gozon, Chairman at CEO ng GMA Network

  1. DIGNITY! The state or quality of being worthy of honor or respect.
    “a media of dignity and unbending principle”.

    DIGNIDAD?

    Papano ba magkakaroon ng Dignidad ang isang MAMAMAHAYAG o ang bawat MANGGAGAWA sa MASS MIDYA kung wala itong tinatanggap na TAMANG halaga ng SAHOD na kung minsan ay ALLOWANCES lamang ang kapalit ng kanyang ginagampanang KATIMBANG ay BUHAY na pagsasalarawan ng tunay na KALAGAYAN ng LIPUNANG PILIPINO na ating ginagalawan.

    Sa Bawat Manggagawang Midya na katulad ko ay nanggaling sa isang malaking broadcast corporation ng Radyo, TV, Diyaryo at iba pang higanting korporasyon tayong lahat ay dumanas ng ibayong sakripisyo upang itaguyod ang sariling pamilya ng may DIGNIDAD!

    Subalit ang DIGNITY ng bawat MANGGAGAWA sa MASS MIDYA sa bansang ito ay patuloy na NINANAKAW ng KAKARAMPOT na PRESYO ng PAGGAWA o LABOR PRICE na pina-iiral ng Gobyerno sa Pilipinas at mas lalong pinatindi ang kagipitang ito ng mga PATAKARAN o BATAS PAGGAWA na inilunsad ng Gobyerno upang ipatupad ng mga profit oriented na KORPORASYON ng mass midya sa kanilang mga Manggagawa sa Publikasyon, Radyo at Telebisyon.

    Ang larawang ito ng Mas Midya sa pambansang antas ay mas malala kung susuriin ang kalagayan ng mga Manggagawang Midya sa mga Probinsya, na nabubuhay sa presyong P4 hanggang P5 libong piso kada buwan. Kayat ang nagiging resulta nito ay ang kawalan ng DIGNIDAD ng hanay ng PRESS WORKERS, mapa NCR man, Regional o Local Working Press.

    Nakikiisa po ang inyong kasama mula dito sa Probinsya ng Camarines Norte sa pagdadalamhating ito ng ating kapwa MANGGAGAWA sa GMA NETWORK, sa mga kasapi man o hindi kasapi ng Talent Association of GMA Network (TAG)!

    ROMMEL IBASCO FENIX

    Like

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s