[News] TAG asks Congress to be fair in ABS-CBN franchise hearing

PANAWAGAN SA MGA MAMBABATAS NG IKA-18 KONGRESO: Bigyan ng Patas na Pagdinig ang ABS-CBN Franchise Renewal

Mahalagang isyu ang natalakay sa nangyaring pagdinig ng Committee on Legislative Franchises ngayong araw: mga paglabag ng kumpanya sa karapatan ng mga manggagawa.

Patuloy na naniniwala ang mga kasapi ng Talents Association of GMA Network o TAG na dapat bigyang-pansin ng mga mambabatas, opisyal at maging ng mga pinuno ng gobyerno ang usapin ng kontraktuwalisasyon sa hanay ng mga manggagawa sa midya, lalo pa’t isa ito sa mga pangako ni Pangulong Rodrigo Duterte na hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ng katuparan.

(READ: [News] TAG Statement on the ABS-CBN Shutdown)

Sa mga pribadong kumpanya katulad ng TV5, GMA 7, at iba pa, marami pa rin ‘talent’ na wala pa rin benepisyo tulad ng SSS, Philhealth, Pag-ibig, 13th month pay at iba pa. Sa mga TV network na pag-aari ng gobyerno katulad ng PTV 4 at IBC 13, may mga kontraktuwal na walang personal insurance habang nagtatrabaho.

Kami ang mahigit 100 manggagawa ng GMA Network na nagsampa ng kaso sa kumpanya, matapos hindi kilalaning mga regular na empleyado kahit umabot pa sa mahigit isang dekada ang serbisyo ng karamihan sa amin. May ilan kaming mga kasama na ilegal na tinanggal sa kanilang trabaho sa News and Public Affairs Department.

(READ: [News] GMA 7 talents fight against unfair labor practice)

Simula 2015, ipinaglalaban at napagtagumpayan ang patong patong na kasong ito na ngayon ay dinidinig pa sa Korte Suprema. Hindi naging hadlang ang mga labor case na ito para mabigyan ng prangkisa ang GMA Network noong 2017 – isang bagay na tila hindi natatalakay sa mga nakaraang pagdinig.

Huwag sanang ilayo ang isyu para lamang mabinbin ang pagbibigay ng prangkisa ng ABS-CBN. Hindi lamang ang 11,000 na empleyado nito ang apektado – dahil kahit ang maraming industriya kasama ang mga kontraktuwal na manggagawa ng TV 5, GMA 7 ay direkta nang naaapektuhan lalo pa’t nakabinbin din ang produksyon ng kanilang mga proyekto. Bukod sa umiiral na community quarantine, wala rin kumpetisyon kaya mahigit tatlong buwan nang nagre-replay ang mga TV network. Dahil ‘no work, no pay’, marami sa kanila ang wala ngayong trabaho. Iyan po ang totoo.

(READ: [News] Labor conditions of media frontliners amid Luzon-wide quarantine)

Makaaasa po sana kami na sa mga susunod na pagdinig, ang kapakanan ng mga manggagawa ang mabigyang-pansin at hindi ang pansariling-interes o pulitika.

(Cover Photo by Gigie Cruz, ABS-CBN News)

#BuhayMedia #LabanMedia #ABSCBNFranchise

Follow us on Twitter/Instagram (@buhaymedia) and like our Facebook page (facebook.com/buhaymedia) to show your support.

Leave a comment